Friday, December 29, 2017

Handa Akong Mamatay

HANDA AKONG MAMATAY
(Talumpati Mula South Africa)
Malayang Salin ni Doyle Camba ng "I am Prepared to Die" ni Nelson Mandela

1. PAGKILALA SA MAY AKDA
       Sa taong 1948, ang halalan sa South Africa ay ang mag-iiba sa kapalaran ng mga Africans at isa sa mga hindi makakalimutan na historya sa bansa. Dito nagsimula ang diskriminasyon sa mga Africans. Simula noong ang mga puti ang namumuno sa bansa ay mas lalong nawawalan ng karapatan ang mga African. Ito ang napansin ni Nelson Mandela.
Nelson Mandela

      Ang buong pangalan niya ay Nelson Rolihlahla Mandela o mas kilala bilang “Madiba”. Siya ay ipinanganak noong ika 18 ng Hulyo noong 1918 sa Mvezo, South Africa. Noong nagkolehiyo siya ang kinuha niyang kurso ay ang pag aabogado. Habang nag-aaral ay naranasan niya ang diskriminasyon dahil siya lamang ang estudyanteng black African ngunit kahit ganito ang naranasan niya ay naging abogado siya at siya ang kauna-unahang abogadong black African. Noong 1944, tumulong siya na itaguyod ang African National Congress Youth League, kung saan siya ang naging leader. Gusto niyang mawala ang karahasan sa South Africa ngunit ang gobyerno na mismo ang pumapatay at nananakit sa mga nagpoprotesta. Siya din ang nagsimula ng protesta kasama si Walter Sisulu at iba pang tao na hinahangaan niya na katulad ni Mahatma Gandhi.

   At dahil dito ay nahatulan siya ng panghabang buhay na pagkakakulong noong 1962. Pero noong 1990 ay napwalang sala siya sa Victor Verster pagkatapos ng 27 na taon.  Noong taon 1994 ay kumandidato siya bilang isang presidente kung saan siya ay nanalo. Siya ang kauna- unahang black African na Presidente sa South Africa. Namatay siya noong ika-5 ng disyembre noong 2013 dahil sa impeksyon sa baga. Siya ngayon ay nakalibing sa Houghton Estate, City of Johannesburg Metropolitan Municipality sa South Africa.

     Gusto niyang iparating ang opinyon niya at karanasan niya sa mga tao. Habang nabubuhay siya ay ginawa niya ang lahat para itigil ang diskriminasyon at paghihirap ng mga Africans na katulad niya. Gusto niya ng kapayapaan at pagkakapantay-pantay ng lahat ng lahi. Totoo ang kanilang laban, hindi sila nagkukuro-kuro lamang o gumagawa lang ng kwento. At dahil dito, ang kanyang mga karanasan at mga ipinaglalaban ang nagpaudyok sa kanya na isulat ang talumpati na ito. Isang talumpati na nagsasabi ng totoong pangyayari at naghahalina na itigil na ang kahirapan at kawalan ng dignidad.


2. URI NG PANITIKAN

            Sa sanaysay na aming binasa na “Handa Akong Mamatay” ni Nelson Mnadela ay masasabing  isa itong talumpati. Marami kang mababasang opinyon, mga katwiran at paniniwala. Ang Talumpati ay isang uri ng komunikasyong pampubliko na nagpapaliwanag sa isang paksa at ito ay binibigkas sa harap ng mga tagapakinig. Layunin nitong humikayat, tumugon, mangatwiran, magbigay ng kaalaman o impormasyon at maglahad ng isang paniniwala.  Dito makikita ang katatasan at kahusayan ng tagapagsalita sa paghihikayat upang paniwalaan ang kanyang pangangatwiran sa paksang tinatalakay. Kakaiba ito sa ginagawa nating pagsasalita sa araw – araw at sa iba pang anyo ng panitikan. Ang talumpati ay pinaghahandaan bago bigkasin sa madla.
May makikita ka din dito na katibayan na nagsasabi ng katotohanan si Nelson Mandela katulad ng mas mababang pagsahod sa mga African kaysa sa mga puti, magkaiba ang antas ng edukasyon, mas mataas ang ginagatos ng pamahalaan para sa mga puti kaysa sa mga African at higit sa lahat ang hindi makatarungan na batas na iniaatas ng mga puti sa mga Africans.  May ibinigay din siyang mga impormasyon ukol sa kalagayan ng kapwa niyang African. Ipinahayag niya ang kanyang opinyon sa pamamagitan ng pagsulat dahil iligal sa kanila ang magwelga o magreklamo sa pamahalaan.


3. LAYUNIN NG AKDA
              Layunin ng talumpati na ginawa ni Nelson Manddela ay ipahayag sa mundo ang malawakang diskriminasyon na nagaganap sa South Africa. Pinakamayaman nga ang South Africa sa buong Africa pero sa katulad ni Nelson ay para ka pa rin nakatira sa isang mahirap na bayan dahil sa pang aalipin ng mga puti sa kanila. Layunin din nito na labanan ng mga Africans ang diskriminasyon na nararanasan nila at huwag matakot na ipahayag ang sariling opinyon dahil bilang isang tao ay may karapatan silang magpahayag ng sarili nilang damdamin. Kung wala silang karapatan ay pang-habang buhay na rin silang magiging lumpo. Kahit alam mo na ang bansa mo’y para sa mga puti hindi naman makatarungan na pati karapatan mo bilang isang tao ay tuluyan na ring mawala.
              Masasabing isa itong Teoryang Sosyolohikal dahil ipinapakita ng may akda ang kalagayan at suliraning panlipunan ng lipunang kinabibilangan niya. Itong paksa na ito ay ipinapahayag ang mga dinaranas na diskriminasyon ng mga Africans sa lipunan at ang mahirap na pamumuhay rin nila sa South Africa. Ang talumpati ang nagbigay daan upang maipahayag sa mga tao ang kanilang dinaras na diskriminasyon sa mga puti at ang nawawala nilang karapatan bilang tao. Pwedeng maikonekta rin ito sa Teoryang Realismo dahil ipinakita sa talumpati ang naranasan ng may akda sa kanyang lipunan. Samakatuwid, ang panitikan ay hango sa totoong buhay ngunit hindi tuwirang totoo sapagkat isinaalang-alang ng may-akda ang kasiningan at pagkaepektibo ng kanyang sinulat. Tulad ng mababang pasahod sa mga African kahit hirap na sila sa buhay samantala ang mga puti naman ay nasa magandang pamumuhay at mas prayoridad sila kaysa sa mga Africans.

4. PAGLALAPAT NG TEORYANG PAMPANITIKAN
Mailalapat ang TEORYANG REALISMO sa tula. Ito ay teoryang naglalayong magpakita ng karanasan at nasaksihan ng may akda. Ang may-akda na si Nelson Mandela na isang African ay ikinwento ang totoong karansan ng mga kapwa nya African noon. Inilahad niya rito ang hindi pantay na pagtrato at pagtingin sa kanila lalo ng mga puti.
Sa kabilang banda, mailalapat rin ang TEORYANG MARXISMO. Ang teoryang ito ay isang pandaigdigang pananaw at pagsusuri ng lipunan na tumutugon sa ugnayan at hidwaan ng mga antas ng lipunan. Makikita sa akdang ito ang pagiging nasa taas ng mga puti na marangya ang buhay sa kabila ng pagiging nasa baba ng mga African na puno ng karukhaan ang buhay.


5. TEMA O PAKSA NG AKDA

          Ang tema ng talumpati ni Nelson Mandela ay tungkol sa mga sumusunod: pantay na pagtrato sa lahat, kalayaang magpasya at gawin ang hinihiling ng kahit sino man at karapatang makapag-aral at makapag trabaho sa napiling kurso.


6. MGA TAUHAN/KARAKTER NG AKDA
        
          Ang mga tauhan at karakter ng akda ay ang sumulat ng akda, mga African at mga puti. Ang sumulat ng akda ang siyang naging tagapaglahad ng kwento na gumamit ng unang panauhan. Ang mga African na ginawang “alipin” ng mga puti. Huli ay ang mga puti na namuno sa mga African.

7. TAGPUAN/PANAHON
Maraming nagdaan na panahon na naranasan nila ang diskriminasyon at kawalan ng karapatan nila ngunit iginiit na nila ang pagbabago sa polisiya ng National Liberation Movement noong Hunyo ng 1961 sa bansang South Africa.

8. NILALAMAN O BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI

Sa akda na ito makikita ang pamumuhay ng mga African sa sarili nilang bansa. Habang patuloy mo itong mababasa mas malalaman mo ang pinakamalaking problema sa kanilang bansa: Ang diskriminsayon.
Karamihan sa mga pangyayari sa akda ay karaniwan na saatin halimbawa na lamang ay ang diskrimasyon. Makikita ang diskriminasyon sa halos lahat ng bansa sa ating mundo. Diskriminsayon sa mga puti at itim, diskriminasyon sa mga Asyano at Amerikano at diskriminasyon sa mayayaman at mahihirap. Isa pang halimbawa kung bakit karaniwan ito ay dahil sa hindi pagkakapantay pantay ng karapatan para sa mga tao. Noong unang panahon ay sinakop tayo ng Kastila, Amerikano at Hapon. Doon naranasan ng mga Pilipino ang maalipusta at maituring na mga alipin. Katulad ng akda na ang mga itim na african ay pang mga mababang posisyong lamang at ang mga puti ang namumuno at nasa matataas na posisyon.


9. MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA
         
            Ang mga sumusunod ay ang mga kaisipan o ideyang nakapaloob sa akda:
  • ·       Kayang gawin ng isang tao ang lahat makamit lamang ang hinahangad para sa sarili, sa kapwa at sa bayan.
  • ·       Ang gobyerno ay masakim at makasarili. Pinapakita nila na may ginagawa sila ngunit ang totoo ay ang tanging pinoprotektahan nila ay ang kanilang kayamanan at kapangyarihan hindi ang mga tao sa kanilang bansa.
  • ·       Ang mayayaman ay patuloy na yumayaman samantala ang mahihirap naman ay pahirap nang pahirap.
  • ·      Ang karapatan ng bawat isa at dignidad ng tao ang pinakaimportante sa lahat dahil ito ang bumubuo sa pagkatao ng isang tao. Kung wala nito ay hindi mabubuhay ng malaya ang bawat isa.
  • ·     Malalagpasan ang lahat ng problema ng bansa katulad na lamang ng pang ekonomiyang problema at diskriminasyon kung ang lahat ng tao ay magkakaisa at magmamahalan kahit ano pang kulay, kahit ano pang lahi at kahit ano pang estado para sa kanilang bansa.

10. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA

         Ang nilalahad ng talumpati ay ang mga hinaing ng mga itim o mga Native African patungkol sa pamamalakad ng pamahalaan at sa pagmamaltrato ng mga puti sa kanila.

         Hinihikayat ng talumpating ito ang gobyerno o pamahalaan ng South Africa na baguhin ang mga batas na hinahadlangan ang kanilang kalayaan.

           Sa pamamagitan ng pagtatalumpati ni Nelson Mandela ng mga nangyayari sa kanyang bansa ay nailalahad niya at pagmamaltrato at pang aalipusta ng gobyerno at mga puti sa kanila.

BUOD

             Nakaranas ang may akda ng pangmamaliit ng mga puti sa kanilang mga Afican. Dahil dito, gumawa siya ng talumpati upang maipaalam sa iba't ibang mga tao ang kanilang mga nararanasan. Inilahad niya ang ang paraan ng pamumuhay ng mga kapwa niya African. Ang iba ay namumuhay sa masisikip na lugar at may mga tigang na lupa, ang iba naman ay namumuhay bilang trabahador at iskuwater sa mga sa mga bukid, at ang iba naman ay namumuhay sa bayan ngunit mayroong mababang pasahod at mataas na presyo ng mga gastusin. Kasama rin ang sakit at malnutrisyon na nagpahirap sa South Africa. Maraming namatay dahil sa iba't ibang malalang sakit. Pati na rin ang edukasyon ay isa sa kanilang mga pinoproblema sapagkat ang mga puti lamang ang binibigyang pansin sa pagkakaroon ng maayos na edukasyon. Ang kawalan ng dignidad bilang isang tao ay naranasan din ng mga African dahil sa pangingibabaw ng kapangyarihan ng mga puti.

"No one truly knows a nation until one has been inside its jails. A nation should not be judged by how it treats its highest citizens but its lowest ones." - Nelson Mandela 

Para sa mas malalim na pagsasapuso ng talumpati, panoorin ang video presentation sa ibaba: 

Woyengi: Sa Kaharian ni Isembi (Halimbawa ng Isang Suring-Basa)

Woyengi: Sa Kaharian ni Isembi
Isinalin ni Moreal Camba
Mula sa "Woyengi - Eksena III" ni Obutunde Ijimere
Sinuri ng Pangkat Apat (10 - Maxwell)


1. PAGKILALA SA MAY AKDA
Si Horst Ulrich Beier o Ulli Beier ay isang Aleman na editor, manunulat at iskolar ng Aleman, na naging magaling sa pagbubuo ng literatura, drama, at tula sa Papua New Guinea. Nag-asawa siya ng isang Austrian artist na si Susanne Wenger ngunit di nagtagal ay sila ay nagdiborse sa unang bahagi ng 1960s. Nag-asawa uli si Beier ng pintor na si Georgina Betts, isang English woman mula sa London na nagttrabaho sa Nigeria. Nang sumiklab ang digmaang sibil ay iniwan nila ang bansa at lumipat sa Papua New Guinea. Si Beier ay nanirahan sa Sydney, Australia, kasama ang kaniyang asawang si Georgina Beier. Namatay siya sa edad na 88 noong ika-3 ng Abril 2011.

2. URI NG PANITIKAN 
Ang uri ng panitikan na ginamit ay dula. Ang dula ay nahahati sa ilang yugto na maraming tagpo. Ang layunin ay itanghal ang mga tagpo sa isang tanghalan o entablado. Ang tagpo sa dula ay ang paglabas-masok na tanghalan ng mga tauhna. Ang mga taong dalubhasa sa larangan ng pagsusulat ng mga dulang itinanghal ay tinatawag na mga mandudula, dramatist, o dramaturgo. May mga sangkap din ang dula. Ang mga ito ay ang mga sumusunod: 
• Simula – mamalas dito ang tagpuan, tauhan, at sulyap sa suliranin. 
• Gitna – matatagpuan ang saglit na kasiglahan, ang tunggalian, at ang kasukdulan. 
• Wakas – matatagpuan naman dito ang kakalasan at ang kalutasan. 

3. LAYUNIN NG AKDA
Ang layunin ng Dulang “Woyengi: Sa kaharian ng Sembi” ay ipakita ang kalakasan ng mga kababaihan. Ipakita na hindi kailangan pagdudahan ang kakayahan ng isang tao (karamihan ay mga babae) dahil lamang sa kaniyang panlabas na anyo. Sinasabi rin sa akda na hindi porket babae ay kikilalanin na bilang pangbahay lamang, minsan ay kaya rin pantayan ng mga babae ang mga lalaki. Sila ay hindi dapat minamaliit at kailangan tratuhin nang maayos dahil lahat ng tao ay pantay-pantay.


PAGLALAPAT NG TEORYANG PAMPANITIKAN
Mailalapat ang Teoryang Feminismo sa dula. Ang teoryang ito ay nagpapakilala ng mga kalakasan at kakayahang pambabae at iangat ang pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan. Sa pagmamaliit ni Isembi sakanya, ipinagtanggol ni Oboinba ang kaniyang sarili sa pagsabi ng “Huwag mong hamakin ang aking pagkababae! Humaharap ako sa iyo ngayon: walang kasarian, walang matris.”. Nakikita ang Teoryang Feminismo rito dahil ipinaglalaban niya ang kakayahan ng mga kababaihan at matagumpay na sinira ang ‘stereotype’ sa mga kababaihan matapos niyang matalo si Isembi.

Maaari ring mailapat ang Teoryang Eksistensiyalismo rito dahil nagdesisyon si Ogboinba na huwag sundin si Isembi, hindi siya nagpadala sa utos ng isang hari at bagkus ay sinunod ang sarili niyang gusto.

4. TEMA O PAKSA NG AKDA
Ang tema ng dula ay tungkol sa mga sumusunod: paniwalaan ang sariling kakayahan, wala sa sekswalidad ng tao ang sukatan ng kaniyang kalakasan at kahinaan, huwag magpa-api sa mga nakakataas, huwag susuko kapag may pagsubok na humarap, at pagkakaroon ng malakas na personalidad kahit ikaw ay minamaliit.

5. MGA TAUHAN/KARAKTER SA AKDA
Isa sa dalawang tauhan sa dula ay si Isembi, ang Hari ng Kagubatan. Siya ay hambog at mapagmaliit, lalo na sa mga kababaihan. Inilarawan siya bilang isang “Haring walang kapangyarihan” at “Isang inutil na pinuno” ni Ogboinba, na kaniyang minamaliit. Sa umpisa ay nagpakita siya ng katapangan gaya ng isang hari, ngunit lumabas ang kaniyang pagkamahina matapos ang dasal ni Ogboinba. 

Ang ikalawang tauhan ay ang matapang na si Ogboinba. Kahit na siya ay minamaliit ni Isembi dahil sa kaniyang sekswalidad, hindi siya nabahala, at ipinakita niya na hindi masusukat sa sekswalidad ng isang tao ang kaniyang kalakasan at kahinaan. Malakas ang kaniyang personalidad--hindi siya agad sumuko kahit na siya’y nanghihina na, sa halip ay pinatunayan niyang tunay siyang malakas at sinira ang pag-iisip ni Ogboinba sa kababaihan.

6. TAGPUAN/PANAHON
Nabanggit sa dula na ang naging ang naging tagpuan dito ay sa gubat o kagubatan. Sa simula ng dula sinasabing dito si Ogboinba pumasok kasama ang dalawang espiritung kapangyarihan, samantala si Isembi, bilang hari ng kagubatan ay nandito na at sinusundan ng dalawang nilalang na mukhang ibon na nagsisislbi ring kaniyang espiritung kapangyarihan. Sa storya ay dito rin sila nagtagpo at naglaban. 

7. NILALAMAN AT BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI
Sa pagbasa ng dula ay maaaring ito ay ordinaryo o karaniwan na lamang para sa iba dahil ito ay nagpapakita ng isang katauhan, si Ogboinba na gusto maangkin ang kaharian at kapangyarihan ng hari ng kagubatan na si Isembi. Ngunit hindi hinayaan ni Isembi na agad-agad itong makuha sa kanya kung kaya nagkaroon ng sagutan sa pagitan nila at ito'y nauwi na sa labanan gamit ang kanilang kapangyarihan upang malaman kung sino ang mas malakas at makapangyarihan. Karamihan sa mga storya ay ang hari o ang mas nakakataas ang nananalo dahil madalas na inaasahan na magiging malakas ito at mas may abilidad, ngunit rito sa dula, sa huli si Ogboinda ang nagwagi at naging mas makapangyarihan sa labanan nila ni Isembi na siyang dahilan kung bakit ang dulang ito ay naiiba sa lahat. Napatunayan ni Ogboinba na siya ang nagtagumpay sa kanilang labanan matapos lisanin ng mga kapangyarihan ni Isembi ang kanyang katawan at unti-unti na siyang nanghina. 

8. MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA 
"Dapat pantay-pantay ang pagtingin ng tao sa lahat." 
Sa dula ay maipapakita ang hindi pantay na pagtingin ni Isembi sa mga kababaihan sa kadahilanang si Ogboinba ay isang babae. Hindi niya inakala na may abilidad itong matalo siya dahil iniisip nito na siya'y isang babae lamang, mahina at hindi pa rin magiging sapat ang kapangyarihan na meron ito laban sa kung ano ang meron siya. Nagiging isyu na rin ito sa kasalukayan ngunit lahat tayo ay dapat may pantay-pantay na pagtingin at pagtrato sa iba dahil bawat isa sa atin ay may karapatan at pagkatao na dapat nating respetuhin.  

"Nothing in life is permanent, be humble." 
Maraming tao ang nakakaranas ng pagsisi sa huli dahil sa pagmamataas ng kung ano ang meron at masyadong pagpapabaya rito. Ang hari ng kagubatan, si Isembi, ay naging kampante at mapangabuso sa kaniyang kapangyarihan. Kampante dahil sa kaniyang pagtataboy kay Ogboinba dahil isa itong babae at ang alam niya ay kaya niya ito talunin at mapaalis sa gubat. Mapangabuso naman dahil ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan upang maliitin ang iba at pagbawalan na makatapak sa kaniyang kaharian. Kung kaya sa dulo ay nakuha ni Ogboinba ang kaniyang kapangyarihan at kaharian at nawala lahat ng ito sa kanya dahil sa pagiging mapagmataas niya. 

"Mas nakakataas na parusa ang pagkawala ng tao o bagay na importante sayo kesa sa kamatayan." Sinasabi na pag may mahalaga sayo na nawala ay para ka na ring namatay, mas matinding sakit ang iyong nararanasan dito kaysa kapag ikaw ay namatay. Katulad na lamang sa dula, nawala lahat ng kapangyarihan at kaharian ni Isembi sa kanya kung kaya siya ay nanghina na at nawalan ng lakas. Dapat din na ito'y mauuwi pa sa kamatayan ni Isembi ngunit hindi na ito tinuloy ni Ogboinba kahit karapat dapat na siyang mamatay. Sa kabila nito ay mas magiging parusa kay Isembi na mabuhay pa dahil kailangan niyang maharap ang parusang kapalit ng kaniyang pagpapabaya sa kung ano ang meron siya.

9. ESTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA
Sa pagbasa ng dula ay sinabi agad sa umpisa ang problema na namamagitan sa dalawang tauhan. Sa bandang gitna ay gumamit ang may-akda ng mga malalalim na salita upang matandaan ng mga mambabasa ang mga ibinigay na salita. Direkta ang paglalahad at ito rin ay may kasamang pantasya kaya ito ay angkop para sa mga kabataan. Makikita rin dito ang labis na paggamit ng tayutay. Ang dulang ito ay simple ngunit may maganda itong aral na madaling maiintindihan ng mambabasa.

10. BUOD
Ang dula ay nagumpisa sa loob ng gubat nang magkita sina Ogboinba, isang mortal na babae, at Isembi, ang Hari ng Kagubatan. Dala-dala nila ang kanilang espiritung kapangyarihan. Pinagbantaan ni Isembi si Ogboinba na huwag na tumuloy sa gubat pero ayaw makinig ni Ogboinba. Minaliit siya ni Isembi at nagpalitan sila ng dasal hanggang sa napunta ang espiritung kapangyarihan ni Isembi kay Ogboinba, iniwan niya si Isembi sa gubat na walang kalakas-lakas at nangingisay tulad ng buntot ng butike.